Skip to main content

Epikong-Bayan ng Filipinas Conference

June 30, 2018

Epikong-Bayan ng Filipinas: Tradisyon, Lipunan, Inobasyon
(Kumperensiya sa Epikong-Bayan)
30-31 Agosto 2018
National Museum of Fine Arts Auditorium, Lungsod ng Maynila, Filipinas

Ang Epikong-Bayan ng Filipinas: Tradisyon, Lipunan, Inobasyon, ay isang pambansang kumperensiya ng epikong-bayan sa Filipinas. Ang kumperensiya ay may pangunahing layuning mailahad ang kasaysayan at kabuluhan ng mga epikong-bayang Filipino at kaugnayan ng mga ito sa pagbuo ng pambansang kamalayan. Layunin din ng kumperensiya ang makalikha ng dalumat hinggil sa epikong-bayan gamit ang balangkas at/o modelong interdisiplinaryo.

Sa kabuoan ang mga tiyak na layunin ng kumperensiya ay ang mga sumusunod:

• upang maging lunan ng talastasan para sa mga iskolar, mag-aaral, guro, at mananaliksik ng mga panitikan, lalo na ang mga epikong-bayan;

• upang marinig ang mga pinakabagong pananaliksik hinggil sa mga epikong-bayan bilang isang lehitimong larangan; at

• upang makabuo ng network ng mga iskolar para sa posibleng kolaborasyon hinggil sa pag-aaral ng epikong-bayan.

Ang mga epikong-bayan ay mga naratibong pasalita na nagpasalin-salin sa maraming henerasyon. Naririnig ang mga ito sa mga pangkomunidad na seremonya at ritwal at sa pang-araw-araw na paghuhuntahan at pagkukuwentuhan ng mga mamamayan. Madalas ang mga epikong-bayan ang nagpapaliwanag ng iba’t ibang aspekto ng tradisyon, mga kalakaran, at pati na rin kasaysayan.

Sa mahigit pitong libong pulo ng Filipinas, samot-saring epikong-bayan ang maririnig. Nagsisilbi silang mga lente upang lubos na makilala ang samot-sari ring pangkat na bumubuo sa ating bansa. Ngunit sa kasalukuyan, sa modernong panahon, hindi na ganoon kabantog ang mga ito. Sa katunayan, itinuturing sila ng marami bilang mga mapamahiing naratibo at mga maling pagtanaw tungkol sa bagay-bagay.

Gayunman, hindi maikakaila ang ambag ng mga epikong-bayan sa pagbigkis ng pagtanaw, kaalaman, at kasaysayan ng mga pangkat at lipunan. Sa pamamagitan ng mga ito at sa mga pagkakahawig ng mga naratibo, nagkakaroon ng ugnayan ang mga pangkat sa isa’t isa at sa mas malaking lipunan. Sa maraming pagkakataon pa, ang pangkalahatang paksa ng mga epikong-bayan ang nagpapakita ng maaaring parehong pinagmulan ng mistulang magkaibang kalinangan.

Batis ng maraming kaalaman ang mga epikong-bayan. Kabilang dito ang mga wastong paraan ng pakikipamuhay at pakikipagkapuwa. Nariyan din ang kagila-gilalas na pakikipagsapalaran ng mga bayani (epic hero) na pumupukaw sa wari upang pamarisan at kapulutan ng aral. Sa gayon, ang mga epikong-bayan din ang humuhubog sa mga tradisyon, gawi, kaugalian, ritwal, batas, kaugnayan, panlipunang balangkas, haka ng sakop na teritoryo, sining, at iba pa.

Sa maraming okasyon, mga epikong-bayan rin ang nagpapaintindi ng kahulugan ng buhay. Tumutunton ang mga epikong-bayan sa mundo at panahon kung kailan ang mga bathala at karaniwang tao ay nakikipag-ugnayan sa isa’t isa. Ito ang nagbibigay ng pananalig sa ating mga ninuno na ang lahat ng bagay ay naaayon sa kalooban ng mga bathala. Kaya’t sa panahon ng kagipitan at pagdurusa, naroon ang paniniwala na makahulugan ang pagpapasakit dahil may magandang maibubunga ang mga ito.

Bago pa man pumaibabaw ang agham bilang paraan ng pagsisiyasat, ang mga epikong-bayan ang kadalasang nagpaunawa sa atin ng mga bagay sa likas na mundo gayundin ang mga hindi maunawaang pangyayari. Ipinakita nila ang kapalaran lampas ng kamatayan, mga dahilan ng unos at himala, at iba pang bagay na hindi maarok ng kaisipan. Gayunman, ang pagpapaliwanag na nakapaloob sa mga epiko-bayan ay nababalot pa rin ng hiwaga at misteryo.

Ang mga epikong-bayan din ang pamuhatan ng mga tao at buhay na maituturing na uliran dahil sa angking lakas, kakayahan, o kabutihan. Sa panahon ngayon, ang mga itinuturing na uliran ng kabataan ay ang mga katulad nina Superman at Wonder Woman. Ngunit, bago pa man sumikat ang mga superhero na ito ay mayroon na ring itinuturing na superhero ang ating mga ninuno—silang magigiting na mga bayani ng epikong-bayan na dakila hindi lamang ang lakas ng katawan kundi pati na rin ang lakas ng loob at paninidigan.

REHISTRASYON:
(Kasama ang kit at pagkain habang nasa Kumperensya)
Regular o On-Site: P2,000 (Estudyante: P1,600)
Arawan: P1,000 kada araw (Estudyante: P800)
Maagang rehistrasyon (hanggang sa 7 Agosto 2018): P1,500 (Estudyante: P1,000)

Para sa mga maagang magrerehistro, maaaring magbayad sa:
Banco de Oro
Account Name: Koro Bulakeno, Inc.
Account No.: CA 005660189866

Ipadala ang mga sumusunod sa epikongbayan@gmail.com:
1. Downloadable registration form (https://www.dropbox.com/s/9g023z…/EpB_RegistrationForm.docx… o sa https://drive.google.com/…/1AU1uvxl1TQPJwOdYDPeDr_kap…/view…)

Maaari rin itong gawin online https://form.jotform.me/epikongbayan/regform;

2. Deposit slip;

3. Para sa mga estudyante, kopya ng student ID.

PARA SA MGA KATANUNGAN:
Tel no.: +63 917 5221274 (Nikki Dionisio) / +63 915 9132703 (Rian Piamonte)
E-mail: epikongbayan@gmail.com / Facebook page: @epikongbayan