Isang Taon ang Lumipas, Mga Ala-alang Walang Kupas
Isang Taon ang Lumipas, Mga Ala-alang Walang Kupas
-Kelvin Meneses (AFS 2015)
Kung ipagpapalagay nating totoo ang oras, kulang-kulang isang taon mula nang simulan naming makibahagi sa pamayanan ng Pila at Paete. Ang bundok, ang dagat, ang ilog, ang mga pilapil, ang buko at iba pang pagkain, at ang mga taong nakahuntahan namin ang ilan sa mga bagay na magpapaalala sa akin sa lugar na ito.
Nagsimula kaming makibahagi bilang AFS sa dalawang bayan ng Laguna nang dumating kami sa isang munting tahanan tanaw ang malawak na palayan sa kaliwa at ang makitid na ilog sa kanan. Araw ng Biyernes, ika-19 ng Hunyo nung sinimulan naming itayo ang mga tent na magsisilbi naming silungan. Sampung araw ang nilagi namin sa Pila bilang bahagi ng paggamit sa archaeology upang tangaking maunawaan ang pamumuhay ng nakaraang pamayanan sa nasabing bayan. Nagkaroon ng kaunting salo-salo bilang pasasalamat sa pagpapatuloy sa amin. Maikli. Sobrang ikli kung kaya’t ang bawat araw na nilagi namin roon ay parang panaginip ng gusto mong balik-balikan.
Mula Pila ay tumuloy kami sa Paete at namalagi nang isang buwan upang tuklasin ang ugnayan ng iba’t ibang sining ng bayan. Inukit nila sa amin ang kanilang mga karanasan. Kung minsan nama’y idinaan sa taka ang paglalarawan. Pinakinggan namin ang musika ng kanilang buhay kasabay ng pagbabahagi ng musika namin. Sumabay rin kami sa bawat indak saliw ng mga musikang ito. Bawat kilos, alam mong may kinalaman sa kanilang poon na dumadaloy sa kanilang kuwentong-bayan. Binusog kami sa bawat pagkaing niluto sa kanilang tahanan. Sa bawat tao ring nakasalamuha namin, batid namin ang arugang ibinibigay sa bawat sanggol. Ang mga karanasang ito, maikli man sa pakiramdam, ay nagpapahiwatig na may mas malaking kuwentong naghihintay pakinggan.
Isa sa mga kuwentong aming nasaksihan ay noong Miyerkules Santo taong 2015. Tirik na ang araw nang dumating kami sa bayan. Makulay, maingay, masigla ang plaza dahil may palabas. Isan Sa araw ring ito namin nasaksihan ang mga naglalakihang mga poon na isinali sa prusisyon. Dilim na nang magsimula ang prusisyon kaya nais man naming tapusin ay minabuti naming magpaalam sakay sa isang jeep pabalik sa Maynila.
Nakailang beses ring kaming umakyat ng bundok. Hinahati sa tatlong yugto ang pag-akyat hanggang makarating sa Tatlong Krus tanaw ang kabayanan ng Paete. Ang bawat akyat ay bawat pagsubok. Ang tanawin sa tuktok ay isang munting paalala na mayroong katahimikan sa bawat ingay. Tanaw rin ang tabing-lawa na minsan na rin naming dinalaw. Alam mong iba ang magiging hitsura ng bayan kung titingnan sa ibang anggulo ngunit ang pagdanas ng mismong pagtanaw ay may dalang kapayapaan sa loob. Isang kuwentong hindi lang dapat marinig kundi dapat madama. Isang kuwentong binahagi sa amin ng Paete.
Isa pang patunay ng isang malaking kuwento ay ang pista ni Santiago Apostol. Ginanap isang araw bago kami pansamantalang magpaalam, sunod-sunod na kainan at kuwentuhan ang bumuo sa araw ng bawat isa sa amin. Iba’t ibang programa rin ang ginanap sa plaza sa loob ng pitong araw hanggang sa mismong kaarawan. Ang mga kaganapang ito, hindi ko man nasaksihan lahat, ay minsang pumukaw ng aking atensyon dahil sa hiyawan ng mga taong nagsasaya ilang metro lang mula sa aming tinutuluyan.
Ang karanasang ito’y inaasahan kong hindi natatapos dito. Hindi rin dapat matapos kahit na maibahagi ang munting sanaysay tungkol sa mga paksang tinangka naming unawain. Ang karanasang ito, kagaya ng iba ko pang karanasan, ay palaging magpapaalala sa akin, na hindi tayo nabubuhay mag-isa.
Sabi pa nga ni Joey Ayala na madalas sabihin ng isa kong guro, “Ang lahat ng bagay ay magkaugnay.”